Si Padre Damaso
Ni Arien M. Orquiza
Si Padre Damaso Verdolagas o mas kilala sa tawag na Padre Damaso ay isa sa mga prominenteng tauhan sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Siya ang biyolohikal na ama ni Maria Clara, ang kasintahan ng pangunahing tauhan ng nobela na si Crisostomo Ibarra. Nabuntis niya ang ina ni Maria Clara na si Doña Pia Alba nang lingid sa kaalaman ng lahat.
Si Padre Damaso ay isang Pransiskanong prayle na nanilbihan bilang kura paruko sa bayan ng San Diego. Matapos manilbihan sa loob ng dalawampung taon sa San Diego, siya'y inilipat sa ibang bayan at pinalitan ni Padre Salvi.
Sa nobela, siya ay inilalarawan bilang kaaway ni Don Rafael Ibarra, ang ama ni Crisostomo Ibarra. Inakusahan niya si Don Rafael bilang isang erehe dahil iba ang pananaw ng huli sa relihiyon at sa Diyos. Dahil dito, natiwalag ang matandang Ibarra mula sa simbahang Katolika,nakulong, at nang namatay kulungan, ipinag-utos ni Padre Damaso na ilipat ang bangkay ni Don Rafael na nakalibing sa himlayan ng mga Katoliko patungo sa libingan ng mga Tsino. Gayunpaman, itinapon ng kanyang mga inutusan ang bangkay sa ilog.
Dahil sa hidwaang iyon ni Padre Damaso at Don Rafael, nagpakita rin ang prayle ng pagsalungat kay Crisostomo Ibarra sa pamamagitan ng madalas nitong paglibak sa binata. Sa isang piging sa bahay ni Kapitan Tiago, hindi nakapagpigil si Ibarra sa makating dila ng prayle kung kaya't pisikal niya itong inatake. Ito rin ang naging dahilan ng pagkatiwalag ng binata mula sa simbahan ngunit napatawad rin ito ng Gobernador Heneral. Dahil din dito, hinikayat ni Padre Damaso ang anak na si Maria Clara na huwag pakasalan si Ibarra at sa halip ay pakasalan ang Kastilang si Linares. Tumanggi ang dalaga at mas pinili ang pagiging monghe.
Sa wakas ng nobela, nailipat si Padre Damaso sa Tanawan, Batangas upang magsilbi bilang kura paruko at nang sumunod na araw, natagpuan na lamang siyang patay.